11/05/2022
eFDS Topic for the Month of MAY 2022
TOPIC #24: PAGBIBIGAY PROTEKSYON SA MGA KONSYUMERS
Noong Disyembre 2021, pinag-aralan natin ang tungkol sa Transaction Account. Naipaliwanag sa atin kung ano ang transaction account, mga uri at benepisyo nito; paano magkakaroon ng ganitong account, at ang mga ginagawa ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan o DSWD, partikular ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps upang maging ganap na “fully transactional account” ang mga kasalukuyang cash cards.
Bago matapos ang Enero 2022, ganap nang naging transaction account ang mga 4Ps cash cards. Ibig sabihin nito, magagamit na sa maraming paraan tulad ng pag-iimpok, pagpapadala o pagtanggap ng pera mula sa ibang depositor; at pagbabayad ng mga biniling produkto o serbisyo kahit walang dalang pisikal na pera (cashless payment).
At dahil lumawak na ang gamit ng 4Ps transaction account, importanteng mabigyan ng higit na proteksyon ang bawat ka-4Ps at maipaalala ang kanilang mga karapatan at responsibilidad bilang mamimili ng iba’t ibang produkto at serbisyo, o pagiging isang konsyumer.
Kaya naman mga ka-4Ps, sa sesyon na ito ating pag-aaralan ang mga pangunahing karapatan at mga kaakibat na responsibilidad bilang mga konsyumer; at ang mga ahensyang nakakatulong sa pagbibigay proteksyon sa atin.
Ilabas na ang mga talaarawan at tayong maging .
GAWAIN:
Sa pagsisimula ng sesyon, ibahagi o isulat sa iyong talaarawan ang iyong pananaw sa kasabihang “the customer is always right”.
KEY CONTENT:
Kahulugan ng “Consumer Protection”
Ang Consumer Protection ay ang pagsasagawa ng mga mekanismo na naglalayong bigyan ng proteksyon ang bawat consumer o mamimili. Ito ay pinagtibay ng Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines, na nagbibigay proteksyon sa interes ng bawat konsyumer, pagtaguyod ng mabuting kapakanan at pagkakaroon ng tamang panuntunan sa pangangalakal at pagnenegosyo. Binibigyang halaga din ng pamahalaan ang mataas na papel ng consumers sa pagpapaunlad ng ekonomiya at bansa.
Ang mga consumers o mamimili ay mga tao o grupo ng tao na bumibili ng mga produkto (goods) o mga serbisyo (services) para sa pansariling gamit.
Mga Karapatan ng Konsyumers
May walong (😎 karapatan ang bawat konsyumer.
1. Right to Basic Needs (Karapatan sa Pangunahing Pangangailangan)
Bawat konsyumer ay may karapatan sa sapat na pagkain, pananamit, masisilungan, pangangailangang pangkalusugan, edukasyon at kalinisan upang mabuhay. Dahil dito, makakaasa tayo na mayroong basic goods sa merkado na abot-kaya ang halaga at dekalidad.
2. Right to Safety (Karapatan sa Tiyak na Kaligtasan)
Ang bawat konsyumer ay may karapatan sa tiyak na kaligtasan sa mga panindang makakasama o mapanganib sa ating kalusugan. Tayo ay nabibigyang proteksyon at umasa tayo na ang mga taga-gawa (manufacturers) ay magsasagawa ng extensive safety and performance testing bago nila ilabas sa merkado ang kanilang paninda. Basahing mabuti ang mga etiketa or karatula (labels) na nagsasaad ng tamang impormasyon tungkol sa mga produkto, kung papaano ito gamitin, pati na din ang mga precautions o warning signs.
3. Right to Information (Karapatan sa Lahat ng Impormasyon)
Ang bawat konsyumer ay mayroong karapatan sa lahat ng impormasyon na kailangan natin para makapamili. Karapatan din nating mapangalagaan laban sa mapanlinlang at madayang patalastas o etiketa. Kung kaya't dapat bigyan tayo ng tamang impormasyon na dapat basahin nating mabuti upang makapamili ng wasto.
4. Right to Choose (Karapatan na Makapamili)
Ang bawat konsyumer ay may karapatang makapamili. Bibigyan tayo ng dekalidad na mga produkto at serbisyo na mapagpipilian.
5. Right to Representation (Karapatan sa Representasyon)
Karapatan natin ang makatiyak na ang kapakanan natin bilang mamimili ay lubusang isasaalang-alang sa paggawa at pagpapatupad ng anumang patakaran ng pamahalaan.
6. Right to Redress (Karapatan sa Pagtutuwid)
Nagbibigay proteksyon at kabayaran (compensation) laban sa mababang uri ng paninda o serbisyo. Kung kailangan, mabibigyan tayo ng libreng tulong sa paglilitis upang ipagtanggol ang ating karapatan. Maaari nating isauli ang mga depektibong bagay sa mga tindahan o tao na pinagbilihan natin nito.
7. Right to Consumer Education (Karapatan na Makakuha ng Kailangang Kaalaman)
Binigyan din tayo ng karapatan na makakuha ng kailangang kaalaman upang makapamili ng wasto. Umasa tayo na ang mga sektor ng pamahalaan, business at consumer ay magsasagawa ng information campaign tungkol sa anumang isyu patungkol sa pagkonsumo o consumer-related issues.
8. Right to a Healthy Environment (Karapatan sa Ligtas na Kapaligiran)
Karapatan nating mabuhay at magtrabaho sa ligtas at malinis na mundong magpapahintulot ng marangal at malinis na pamumuhay. Ang pamahalaan ay dapat magbigay proteksyon sa kalikasan.
Ang Department of Trade and Industry (DTI) ay ang ahensya ng pamahalaan na may pangunahing mandato upang siguruhin na ligtas ang mga mamimili. Ito ay sa pamamagitan ng epektibong implementasyon ng mga batas at regulasyon patungkol sa patas na kalakalan; at pagbibigay nang tamang edukasyon at impormasyon (consumer education and information dissemination) sa mga mamimili. Kung kaya, sa tuwing may katanungan o reklamo ang bawat ka-4Ps, maari silang makipag-ugnayan sa opisina ng DTI.
Consumer Responsibilities
Upang masiguro ang kabuuang proteksyon nating mga konsyumer, inaasahan din ang ating pakikibahagi sa pamamagitan ng mga sumusunod:
1. Kritikal na Kamalayan (Critical Awareness). Inaasahan na ang bawat konsyumer ay magiging higit na alerto, matalas at matanong sa mga gamit, presyo at kalidad ng bawat produkto o serbisyong gagamitin.
2. Aksyon (Action). Igiit ang mga karapatan para sa patas na kalakalan o ugnayan. Tandaan na tuwing tayo ay walang kibo o tahimik sa mga isyung naranasan bilang mamimili ay patuloy tayong pagsasamantalahan.
3. Malasakit sa Lipunan (Social Concern). Responsibilidad natin na maging mulat sa epekto ng ating paggasta sa ibang mga konsyumer, lalo na ang mga mahihirap at walang kakayahan. Halimbawa, sa mga panahong mataas ang pangangailangan (demand) sa isang produkto, maaring hindi lahat ay may kakayanang makabili kaagad, kaya hinihikayat ang mga may kakayahan na bumili lamang ng ayon sa pangangailangan.
4. Kamalayan sa Kapaligiran (Environmental Awareness). Alamin ang epekto ng pagkonsumo sa kalikasan. Inaasahan na ang bawat konsyumer ay makikibahagi sa mga hakbang upang mapangalagaan ang ating mga likas na yaman, para ito rin ay mapakinabangan ng mga susunod na salinlahi.
5. Pagkakaisa (Solidarity). Ang responsibilidad na mag-organisa bilang mga konsyumer upang makabuo ng sapat na lakas at impluwensya para isulong at protektahan ang ating kapakanan.
MGA MAHAHALAGANG MENSAHE:
• Ang bawat konsyumer ay may mga karapatan na pinagtitibay ng mga batas at mga regulasyon mula sa pamahalaan. Lalo na ngayong pandemya, na panahon kung saan nagsulputan ang maraming negosyo tulad ng online selling, mahalagang kritikal ang bawat konsyumer upang matanggap ang tamang produkto at serbisyong inaasahan.
• Mayroon ding mga inaasahang responsibilidad mula sa bawat konsyumer para masigurong lahat ay nabibigyang proteksyon.
• Importanteng mapanuri ang bawat konsyumer sa kanilang mga binibili, kasama na rito ang kamalayan sa kung paano at saan nanggaling ang mga produkto; kung ito ba ay ginawa ayon mga katanggap tanggap na pamantayan, at kung sumusunod sa mga panuntunan ng legal na pagnenegosyo ang mga tagagawa o manufacturer.
• Ugaliing magbasa ng mga feedback o reviews ng mga produkto o serbisyo. Ito ay makakatulong para masigurong hindi masasayang ang perang pinambili.
PAGNINILAY:
Sagutin sa inyong mga talaarawan ang mga gabay na tanong ukol sa natutunan natin ngayong eFDS:
1. Batay sa iyong mga napag-aralan, pumili ng isa sa mga sitwasyong nakalista at isulat kung ano ang iyong gagawin:
a. Bumili ka ng cellphone at pagkatapos ng ilang araw, nadiskubre mong may sira ang iyong nabili.
b. Kumain kayong mag-anak sa isang karinderya at nakitang may insekto sa inyong inorder na pagkain.
c. Bumili ng uniporme online para sa iyong anak at ang sukat ay iba sa nakalagay sa advertisement.
2. Magbahagi o magsulat ng isa sa iyong mga responsibilidad bilang konsyumer.
GAWAING BAHAY:
• Ibahagi ang iyong mga natutunan sa iyong pamilya.
• Kilalanin ang mga opisina na maaring lapitan depende sa uri ng reklamo.
• Simulang alamin ang mga feedback o review ng mga nabiling produkto o serbisyo para masanay sa ganitong gawain.
REFERENCES:
• Department of Social Welfare and Development Pantawid Pamilyang Pilipino Program (2020) Financial Literacy Manual for Pantawid Pamilyang Pilipino Program, Pages 86-97
• Republic act no. 7394: Govph. Official Gazette of the Republic of the Philippines. (1992, April 13). Retrieved April 11, 2022, from https://www.officialgazette.gov.ph/.../republic-act-no.../
• DTI: Know your rights and responsibilities as consumers. Dti.gov.ph. (n.d.). Retrieved April 11, 2022, from https://www.dti.gov.ph/.../consumers-rights-and.../