01/12/2023
BANYUHAY SA BAWAT ARAW🌾
Disyembre 1 2023
Biyernes ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Daniel 7, 2-14
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Akong si Daniel ay nakakita ng isang malaking dagat na binabayo ng malakas na hangin kabi-kabila. Mula sa dagat ay may lumitaw na apat na iba’t ibang dambuhala. Ang una ay parang leon ngunit may pakpak ng agila; nabunot ang mga pakpak nito. Umangat ito sa lupa at tumayong tila tao. Binigyan ito ng isipan ng tao. Ang ikalawa naman ay mukhang oso. Ang dalawang paa lamang nito sa huli ang inilalakad at may kagat pang tatlong tadyang. May tinig na nag-utos dito, “Sige, magpakasawa ka sa karne.’ Ang ikatlo ay kawangis ng leopardo. Ito’y may apat na pakpak sa likod, apat ang ulo at binigyan ng kapangyarihan. Pagkaraan, nakita ko ang ikaapat na hayop. Nakatatakot itong tingnan at mukhang napakalakas. Bakal ang ngipin nito at tanso naman ang mga panga. Niluluray ng bibig nito ang anumang makagat at tinatadyakan ang matira doon. Kaiba ito sa tatlong nauna pagkat ito’y may sampung sungay. Pinagmasdan kong mabuti ang mga sungay at nakita kong may tumutubo pang isa. Ang tatlong sungay ay nabunot upang magkaroon ng puwang ang sungay na tumutubo. Ito ay tulad ng tao, may mga mata at bibig. Nakapangingilabot ang sinasabi nito.
Habang ako’y nakatingin, may naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuotan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang trono niya’y nagniningning. Ang mga gulong nito ay apoy na nagliliyab. Waring agos ng tubig ang apoy na bumubuga mula sa trono. Ang naglilingkod sa kanya’y sangmilyon bukod pa sa milyon-milyong nakaantabay. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat. Dahil sa kakila-kilabot na mga bagay na sinasabi ng sungay, naakit akong manood hanggang sa mapatay ang ikaapat na hayop at ihagis sa apoy. Yaong ibang hayop ay inalisan ng kapangyarihan ngunit pinanatiling buhay nang kaunti pang panahon. Patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Daniel 3, 75. 76. 77. 78. 79. 80. 81
Tugon: Dakilai’t papurihan ang P**n magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, mga bundok at mga burol;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Tugon: Dakilai’t papurihan ang P**n magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng tumutubo sa lupa;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Tugon: Dakilai’t papurihan ang P**n magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, mga bukal ng tubig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Tugon: Dakilai’t papurihan ang P**n magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, mga dagat at mga ilog;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Tugon: Dakilai’t papurihan ang P**n magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, mga balyena at lahat ng nilikhang nasa tubig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Tugon: Dakilai’t papurihan ang P**n magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng ibon sa himpapawid;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Tugon: Dakilai’t papurihan ang P**n magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, mga kawan at mga maiilap na hayop;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Tugon: Dakilai’t papurihan ang P**n magpakailanman.
ALELUYA
Lucas 21, 28
Aleluya! Aleluya!
Naririto, malapit na
ang kaligtasang pag-asa
upang ating matamasa.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 21, 29-33
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang isang talinghaga: “Tingnan ninyo ang puno ng igos at ibang punongkahoy. Kapag nagdadahon na ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayun din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga ito, malalaman ninyong malapit nang maghari ang Diyos. Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago mamatay ang lahat ng taong nabubuhay sa ngayon. Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang salita ko’y hindi magkakabula.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.