03/02/2022
Narito't basahin ang unang tula na aming naisulat sa TitikSolomon Flowers and Poetries, sa mga nais maghandog ng Tula, sa anumang genre ninyo nais maipresenta at maaaring maisulat sa tatlong wika; Filipino, Bikol (tigsik) at Ingles, maaari ding taglish. Mangyaring mag-iwan lamang ng mensahe sa pahinang ito. Ang inyong mensahe para sa inyong minamahal ay gagawin namin sa anyong panulaan! Tunghayan ang bahagi ng tula na dati na naming naisulat:
“Rosas at Tula"
Ni: TitikSolomon
Unang titik at tinta'y sa giliw ko iaalay,
Mga tugma't talinghaga, sayo'y una kong laan,
Kasinlalim ng tula, pag-ibig kong tinataglay,
Sayo lamang nabubuhos, walang ibang pagbibigyan.
Kayraming mga rosas itong aking natatanaw,
Ngunit ikaw lamang giliw, ang sa mata'y dumadalisay,
Taglay mong halimuyak sa dibdib ko'y nananahan,
Ni hindi kumukupas, nananatiling katingkaran.
Sa pagdaan ng mga araw, ni hindi ko namalayan,
Sa ‘yong pamumukadkad, ako nama'y nakabantay,
Ako'y naging isang saksi ng taglay mong kariktan,
Ganda mo'y namamalas habang ika'y minamasdan.
Mga tinik sa sanga mo'y akin ding nasisipat,
Matutulis at lubhang masakit kung sumayad,
Subalit pag-ibig nama'y pagtanggap, kaakibat,
Hapdi man o ginhawa'y magpatuloy ang siyang dapat.
Mangingibig mo'y makata’t di lingid sayo mahal,
batid mo na't sa’king lalim nanatiling nakadungaw,
Sa pagtitingala ko'y ikaw lang din ang siyang tanaw,
Oh kayrikit naman nitong bulaklak ng Maykapal.
Ako'y Tula't ika'y Rosas, malanta man at kumupas,
Sa mga pahina ko'y nakaipit kang wagas,
Alaala't kasaysayan sa puso ko'y nakalimbag,
Ang huling mga tinta'y sayo lang din ipapatak.