30/05/2023
Hahantong ka na lang talaga sa puntong mapapagod ka sa lahat.
Sa mga bagay na nakasanayan mo nang gawin.
Sa mga hangarin na binubuo mo't kailangan mong tuparin—
At ang masaklap, pati sa'yong sarili.
Malilito ka kung may patutunguhan pa ba ang landas na iyong tinatahak,
Dahil kahit ilang pawis at luha na ang pumatak,
Hindi pa rin dumarating ang matagal mo nang hinahangad—
Mauubos ka sa labis na pag-iisip sa mga posibilidad.
Darating ka na lang talaga sa puntong mawawalan ka ng gana.
May mga pagkakataon ding pagdudahan mo na ang iyong halaga,
Kung sapat ka ba o kulang pa—
Sapagkat hanggang ngayon, ang dami mo pang bitbit na sana.
Makakaramdam ka ng pagsuko.
Maiisip mo ang huminto.
Lulunurin ka ng mga pagkabigo—
Hindi palaging sasang-ayon ang mundo.
Mapapagod ka sa lahat dahil ito na ang reyalidad,
Subalit paulit-ulit ka ring uusad—
Dahil may mga pangarap kang nais matupad.
✍️ By Tintalata