22/11/2023
"Hindi lahat ay totoo sa'yo"
Minsan tinanong nila ako,
Bakit hindi ko na daw ibinabahagi 'yung masasayang nangyayari sa buhay ko?
Kasi hindi naman lahat ay masaya para sa'yo.
Hindi lahat ay interesado.
May mga panahon na sobrang sabik tayo—
Kaya madalas ay para tayong nagiging isang bukas na libro.
Pero alam mo ba 'yung totoo?
Hindi lahat gustong makita ang tagumpay mo.
Ang ilan sa kanila ay puno ng kadiliman ang puso.
Hinihiling ang iyong muling pagkabigo.
Ito ang dahilan kaya ayo'ko nang magbahagi pa kahit kanino.
Kasi hindi ko na alam kung sino sa kanila ang nagpapanggap at totoo.
Kadalasan, iyong mga bagay na ibinabahagi natin sa mundo,
Ang siyang nagiging dahilan ng ating muling pagkatalo.
Binibigyan natin ng pagkakataon na magbukas ang mga matang tila demonyo.
Nababalot ng inggit at nais kang hilahin pabalik sa lugar na mala-impyerno.
Walang masama kung magbabahagi tayo.
Marahil ay nais lamang nating maging inspirasyon sa ibang tao.
Pero uulitin ko,
Hindi lahat ay masaya sa mga laban na iyong naipanalo.
Hindi lahat ay totoo sa'yo.
Huwag na sana tayong magpapadala kahit sobrang sabik tayo.
Piliin muna nating isikreto.
Lalo na kung hindi pa naman sigurado.
Hindi nila mawawasak ang mga bagay na pinili nating gawing pribado.